Ang Pagkamamamayan, Pagkamamamayang Pilipino, at Dalawahang Pagkamamamayan
Talakayin natin ang konsepto at prinsipyo ng pagkamamamayan.
Ang pagkamamamayan ay ang posisyon o katayuan ng pagiging mamamayan ng isang partikular na bansa.
Ang isang mamamayan ay isang nakikilahok na miyembro ng isang politikal na komunidad (political community). Nakukuha ang pagkamamamayan sa pamamagitan ng pagtugon sa mga legal requirement ng isang pambansa, pang-estado, o panlokal na pamahalaan.
Ang isang bansa ay nagbibigay ng ilang mga karapatan at pribilehiyo sa mga mamamayan nito. Bilang kapalit, ang mga mamamayan ay inaasahang sumunod sa mga batas ng kanilang bansa at ipagtanggol ito laban sa mga kaaway nito.
Mayroong 195 na pagkamamamayan na tumutugon sa 195 na bansa sa mundo. Hindi pinapayagan ng ilan sa mga bansa ang dalawahan o maramihang pagkamamamayan (dual or multiple citizenship).
Ang mamamayang Pilipino ay yaong ang mga ama o ina ay mamamayan ng Pilipinas; yaong mga ipinanganak bago ang Enero 17, 1973, ng mga inang Pilipino, na pinili ang pagkamamamayang Pilipino sa pagsapit sa edad ng mayorya (age of majority); at yaong mga naturalisadong Pilipino alinsunod sa batas.
Ang batas ng nasyonalidad ng Pilipinas ay nakabatay sa mga prinsipyo ng jus sanguinis (Latin para sa “karapatan sa dugo”) kung kaya’t ang pagiging anak ng isang magulang na mamamayan ng Republika ng Pilipinas ang pangunahing paraan ng pagkakaroon ng pagkamamamayang Pilipino.
Dapat tandaan na ang pagkakaroon ng dual citizenship (Filipino at foreign citizenship) ay hindi awtomatiko kapag nakakuha ng foreign citizenship ang isang Pilipino.
Ang isang Pilipino ay mawawalan ng kaniyang pagkamamamayang Pilipino kapag siya ay naging isang dayuhan. Kailangan niyang sumailalim sa mga proseso upang muling makuha o para mapanatili ang kaniyang pagkamamamayang Pilipino.
Copyright © by Jens Micah de Guzman & Marissa Eugenio/OurHappySchool.com