Ang Tatlong Sangay ng Pamahalaan ng Pilipinas: Ang Balangkas o Istruktura ng Gobyerno
Kung maayos ang pamumuno ng mga Pinunong Pampulitika o government officials, malaki ang impluwensiya nito sa kapakanan ng mga mamamayan. At kung may partisipasyon ang mga mamamayan sa mga programa ng pamahalaan, magiging magaan sa mga namamahala sa gobyerno na gawin ang kanilang papel o mga tungkulin.
Kaya naman mahalaga na naitatangi ang iba’t ibang papel ng bawat indibidwal sa lipunan at kung paano nila naiimpluwensiyahan ang mga tao batay sa kanilang pamumuno o pagsunod. (Kaugnay: Ang Halaga ng Pamahalaan at Mabuting Pamumuno)
Sa Pilipinas bilang isang demokratikong bansa, mayroong tatlong sangay ng pamahalaan: ang (1) lehislatibo, (2) ehekutibo, at (3) hudikatura.
Ang mga pinunong pampulitika sa lehislaturang sangay ng gobyerno ang lumilikha ng mga batas o ordinansa.
Ang mga nasa ehekutibo naman ang nagpapatupad ng mga batas.
Sa ehekutibong sangay, ang pangulo ng bansa ang pinakamataas na pinunong pampulitika. Gumaganap din siya bilang commander-in-chief, pinuno ng estado, at pangunahing diplomat.
Siya ang responsable para sa kapakanan ng buong bansa at sa pagtiyak na ang lahat ng mga batas ay maayos at matapat na naipapatupad at nasusunod.
Ang mga nasa hudikatura ang nagpapaliwanag ng mga batas. Sila ang nagbibigay ng pasya sa mga pagtatalo sa kahulugan ng mga batas sa bansa at sa iba pang tanong o isyung panglegal.
Ang Korte Suprema (Supreme Court) ng bansa ang pinakamataas na hukuman sa bansa sa ilalim ng hudikatura.
Kabilang sa mga pinunong pampulitika ang mga konsehal at ang punong bayan o siyudad (mayor), at maging ang kapitan at mga kagawad ng barangay. Ang mga pulis naman ay binibigyan ng batas ng karapatan na ipatupad ang batas ng bansa. (Related: Mga Paglilingkod ng Pamahalaan Upang Matugunan ang Pangangailangan ng Bawat Mamamayan)
Ang pamumuno ng mga lider pampulitika, maging ng mga nasa pulisya at kaugnay na ahensiya, ay nakakaimpluwensya sa mga tao na igalang at sumunod sa mga nilikha at umiiral na batas. (Basahin: Kahalagahan ng mga Paglilingkod o Serbisyo sa Komunidad: Mga Ahensiya ng Pamahalaan)
Naiimpluwensiyahan nila ang mga tao na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan ng komunidad. (Kaugnay: Ang Mga Hakbang Ng Pamahalaan Sa Pagharap Sa Mga Sulliraning Pangkapaligiran Sa Sariling Pamayanan)
Copyright © Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com
TALAKAYAN:
Ano ang magagawa mo upang makatulong sa mga pinunong pampulitika sa bansa?
Gumamit ng #IdeolohiyangPolitikal #Pilipinas