Mga Patakarang Pang-ekonomiya sa Bansa: Noon at Ngayon

Mga Patakarang Pang-ekonomiya sa Bansa: Noon at Ngayon

Ano nga ba ang “ekonomiya”? Ano ang tinatawag na patakarang pang-ekonomiya? Anu-ano ang mga patakarang pang-ekonomiya sa Pilipinas noong panahon ng pananakop ng mga Kastila?

Ano ang Ekonomiya?

Ang ekonomiya ay tumutukoy sa magkakaugnay na mga Gawain o aktibidad sa produksyon at pagkonsumo na tumutulong sa pagtukoy kung paano inilalaan at ipinamamahagi ang mga kakaunting mapagkukunan (scarce resources).

Sa isang ekonomiya (gaya ng isang bansa), ang produksyon at pagkonsumo ng mga kalakal at serbisyo ay ginagamit upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga naninirahan at nagtatrabaho sa loob nito. (Kaugnay: Ang Halaga ng Paggawa (Labor), Lakas Paggawa (Labor Force), at mga Manggagawang Pilipino).

Patakarang Pang-ekonomiya: Kahulugan

Ang patakarang pang-ekonomiya ay mga tuntunin o programa na naglalayong impluwensyahan o kontrolin ang kilos o direksiyon ng ekonomiya sa isang lugar.

Ang mga patakarang pang-ekonomiya ay karaniwang nililikha, ipinapatupad, at pinangangasiwaan ng pamahalaan o gobyerno. (Kaugnay: Ang Implikasyon Ng Unemployment Sa Pamumuhay At Sa Pag-Unlad Ng Ekonomiya Ng Bansa)

Patakarang Pang-ekonomiya ng Pilipinas Noon (Bago ang Pananakop ng Spain)

Bago pa man sakupin ng mga Kastila ang Pilipinas, ang mga sinaunang Pilipino ay may sarili nang ikinabubuhay. Sila ay mayroon na ring sinusunod na kanilang mga patakarang pang-ekonomiya.

Sila ay karaniwang mga magsasaka at mangingisda at nakatira malapit sa kanilang pinagkukunan ng ikinabubuhay. Kung may sobra sa kanilang ani, ang mga ito ay ipinapalit nila sa ibang mga lugar ng ibang produkto sa sistemang tinatawag na barter. Ito ay palitang produkto sa produkto, gamit ang tinatawag na perang komoditi.

Subalit dahil ang barter ay kumplikado, natuto silang gumamit ng ginto at pilak bilang pera o salapi. Gumamit din sila ng “gold barter ring,” sinasabing unang barya sa bansa na yari sa ginto na ginamit sa ekonomiya hanggang ika-16 na siglo.

Gumamit din sila ng piloncitos na kahawig ng lagayan ng asukal ng mga Pilipino noong unang panahon. Ginamit nila ito noong ika-9 hanggang 12 siglo.

Ang mga sinauang Pilipino ay nakikipagkalakalan na rin sa mga dayuhan gaya ng mula sa mga bansang China, India, Arabia, at Japan.

Patakarang Pang-ekonomiya ng Pilipinas sa Panahon ng Pananakop ng Spain

Sa panahon ng pananakop ng Kastila sa Pilipinas, ipinatupad sa bansa ang mga patakarang pang-ekonomiya gaya ng pagpapataw ng tributo o buwis, bandala, at obras pias. Ipinatupad din ang repormang pang-ekonomiya ni Basco at pinairal ang Kompanya Royal ng Pilipinas.

Binuksan din ang bansa sa pandaigdigang kalakalan. Naitampok ang Pilipinas sa kalakalang Galyon (Galleon),

Iba’t ibang salapi ang ipinakilala ng mga Kastila gaya ng Isabelinas, Alfonsos, macuquinas o cobs, at iba pa. Itinatag ang kauna-unahang bangko sa bansa na El Banco Español Filipino de Isabel II (Spanish-Filipino Bank of Isabel II), hango sa ngalan ni Reyna Isabella II ng Spain. Ang bangkong ito ang unang nag-imprenta ng Philippine Peso na tinatawag na Philippine Peso Fuerte (PF)

Sa transportasyon, ipinakilala ang paggamit ng tranvia at kalesa. Nagkaroon din ng unang daambakal ng bansa na tinawag na Philippine National Railways.

Sa komunikasyon, nagkaroon ng serbisyo ng koreo, telepono, at telegrapo. Inilimbag ang mga pahayagan gaya ng Del Superior Govierno.

Nakatulong nang malaki ang pagkakaroon ng kuryente.

Mga Patakarang Pang-ekonomiya Ngayon

Ngayon, may mga patakarang pang-ekonomiya sa bansa na hango sa mga patakaran na umiral nuon. Ganunpaman, marami na ring naidagdag na patakarang pang-ekonomiya na di hamak na mas kumplikado.

Halimbawa, ang mga patakarang pang-ekonomiya ng Pilipinas ngayon ay apektado ng pagiging kasapi nito sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) at ASEAN Economic Community (AEC).

Idagdag pa na ang ekonomiya ng bansa ay apektado ng globalisasyon (Basahin: Ang Dahilan, Dimensyon at Epekto Ng ng Globalisasyon).

Related: Ang Kalagayan ng Paggawa (Labor) sa Pilipinas Bunga ng Globalisasyon

Copyright © Jens Micah De Guzman/OurHappySchool.com

 

Para sa mga komento, gamitin ang comment section sa: Mga Suliranin sa Isyu ng Paggawa sa Pilipinas

Sponsored Links